Tula ni Chris Cahilig
- Breakup Moveon
- May 14, 2016
- 1 min read

BAKIT DAPAT MAG-INGAT KAY EX? This beautiful poem tells us the dangers of keeping in touch with ex while you are in the process of moving on. #MoveOn101
"Mag-ingat Sa Muling Pakikipagkita Sa Iyong Dating Mangingibig"
Minsan ka na niyang nakitang hubad. Mula sa upuang iyong kinalalagyan, Naririnig niya ang pagkabog Ng iyong dibdib kasabay ng kalampog Ng pagbagsak ng hawak mong mga kubyertos Gaya ng una ninyong pagkikita. Nababanaag niya sa pungay ng iyong mga mata Ang pangungulila, Bilang mo kung ilang araw na kayong Hindi nagkikita. Sa iyong pagngiti, nababasa niya Sa mga guhit ng iyong mukha Ang takot sa mapanukso niyang tingin. Hinahanap-hanap ng iyong leeg Ang init ng kanyang hininga Sa kanyang pagbulong, Sa kanyang pabuntong-hininga. Ano pa nga ba ang iyong maitatago? Batid niya ang sukat at hugis Ng iyong kahinaan. Pamilyar ang kanyang mga kamay Sa kurba at gaspang ng iyong pagkatao Na walang ibang nakadampi, Na walang ibang nagmay-ari.
Nararapat na mag-ingat Sa muling pakikipagkita Sa iyong dating mangingibig Sapagkat sa kanyang harapan Ang mga alaala Ay nagiging isang pumpon ng pag-asa Na sana, tulad ng dati Muli mo siyang makitang hubad.
(Tula ni Chris Cahilig)
Comments